Sinabi ni Sen. Pia Cayetano na naka-move on na siya matapos maging emosyonal sa Senado kaugnay ng naging epekto sa kanya ng insidente ng pamamaril sa Senate complex.
Sa isang Facebook Live, nakisabay ang senadora sa trending na linyang “Kumusta ka?” at ibinahagi na marami sa kanyang mga kasamahan ang lumapit at nangamusta matapos ang kanyang naging pahayag sa plenaryo.
Matatandaang naging emosyonal si Cayetano matapos sabihin na nasaktan siya dahil wala umano sa kanyang dating majority group ang nangumusta sa kanila matapos ang insidente. Gayunman, itinanggi ito ni SEN Erwin Tulfo at sinabing may mga senador na nagpadala ng mensahe sa kanilang group chat.
Nagpasalamat naman si Cayetano sa mga nagpakita ng suporta at sinabing wala siyang mapapala kung patuloy niyang dadalhin ang sama ng loob.
Aniya, mahalaga ang pagpapakita ng malasakit sa kapwa at hindi dapat ikimkim ang nararamdaman, ngunit kailangan ding matutong magpatuloy at mag-move on. (Report by Bombo Jai)
















