Nakatakdang imbestigahan ng Senate Committee on Agriculture ang umano’y overimportation ng sibuyas at iba pang produktong agrikultural sa gitna ng pangamba sa epekto nito sa mga lokal na magsasaka.
Ayon kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, chairman ng komite, kabilang sa mga tatalakayin sa mga susunod na pagdinig ng komite ang pagpasok ng malaking volume ng imported na produktong agrikultural at mga ulat na umano’y nahaharangan ang access ng mga magsasaka at mangingisda sa mga cold storage facility.
Kasunod ito ng isinagawang inspeksyon sa 26 na container van ng imported red onions sa Manila International Container Port na may tinatayang kabuuang bigat na 650,000 kilo.
Kinuwestiyon ni Pangilinan kung kinakailangan ba talaga ang ganoong kalaking volume ng imported na sibuyas at kung maituturing itong overimportation sa kabila ng pagkakaroon umano ng mga kinakailangang permit.
Sinabi rin ng senador na ipapatawag sa pagdinig ang mga nabigyan ng import permits at mga operator ng cold storage facilities upang magpaliwanag sa isyu ng overimportation at sa alegasyong nirereserba ng ilang trader ang mga cold storage facility na dapat sana’y mapakinabangan ng mga lokal na producer.
Binigyang-diin pa ni Pangilinan ang pangangailangang maayos ang datos ng Department of Agriculture (DAR), Bureau of Plant Industry at Philippine Statistics Authority upang maiwasan ang sobrang pag-aangkat ng mga produktong agrikultural na maaaring makasama sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Nagbabala rin ang senador na maaari niyang harangin o ipagpaliban ang pagtalakay sa budget ng mga naturang ahensya kung mabibigong maglatag ang mga ito ng sistema upang maitugma ang kanilang mga datos at maiwasan ang overimportation.
















