-- Advertisements --

Naghain si Senator Francis “Kiko” Pangilinan ng panukalang magtataas sa income tax exemption threshold mula ₱250,000 sa ₱350,000 kada taon upang madagdagan ang take-home pay ng milyun-milyong manggagawang Pilipino.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2344, layunin nitong amyendahan ang National Internal Revenue Code ( NIRC) upang maiangkop ang income tax exemption sa kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya at mapalakas ang purchasing power ng mga pamilya.

Ayon kay Pangilinan, unti-unti nang kinakain ng inflation ang kita ng mga manggagawa habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Halos nauubos na aniya agad ang kinikita ng mga Pilipino dahil sa buwis at mataas na gastusin.

Kung maisasabatas, magiging exempted sa personal income tax ang unang ₱350,000 ng taunang taxable income. Saklaw din ng panukala ang mga self-employed at professionals na gumagamit ng 8% gross receipts tax regime.

Kasama rin sa panukala ang pagtataas ng income thresholds ng iba pang tax brackets: magiging ₱500,000 para sa 15%, ₱1 milyon para sa 20%, ₱2.5 milyon para sa 25%, at ₱8 milyon para sa 30% tax rate.

Ayon pa kay Pangilinan, nakahanay ang kanyang panukala sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address na taasan ang personal income tax exemption upang mabawasan ang pasanin ng mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin.