-- Advertisements --

Muling binuhay ang panawagan na ibaba ang edad ng maaaring patawan ng kriminal na pananagutan kasunod ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, Leyte, na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng 22 iba pa.

Kung saan ipinanukala ni Senador Robinhood Padilla na ibaba sa 10 taong gulang ang edad ng pananagutang kriminal.

Aniya, maraming kaso na ang kinasasangkutan ng mga kabataan tulad ng pagpatay, panggagahasa, at holdap kaya dapat nang amyendahan ang Juvenile Justice Law.

Saad ng senador, dapat nang ibaba sa sampu ang edad ng criminal responsibilit dahil ginagawa na ito sa ibang bansa, lalo na sa Asia at Europa at iginiit na panahon na para pag-aralan ito sa special session.

Samantala, nanawagan naman si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ng tamang pagpapatupad ng Juvenile Justice Law, kung saan dapat dumaan sa proseso ang mga menor de edad at panagutin din ang mga magulang kung may kapabayaan, habang dapat bigyan ng suporta ang mga biktima.

Humiling naman si Sen. Bong Go ng imbestigasyon sa kung paano nakuha ng mga suspek ang armas at naipuslit sa paaralan, at iginiit na ayusin ang mga batas upang maiwasan ang panibagong trahedya.