Mariing itinanggi ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang mga espekulasyong inuugnay siya sa umano’y panibagong kudeta sa liderato ng Senado, at nilinaw na wala siyang interes maging Senate president.
Sa Facebook post ng senador, sinabi niyang mas nais niyang tutukan ang usapin ng food security kaysa makisali sa agawan ng liderato sa Mataas na Kapulungan.
“Hindi po tayo interesado sa pagiging Senate president. Tutulong na lang ako sa kanila. Para sa akin, mas importante ang food security kaysa sa Senate presidency,” ani Pangilinan.
Lumabas ang pahayag matapos maiulat na may ilang senador umanong kumikilos upang muling palitan si Senator Alan Peter Cayetano ilang araw lamang matapos itong maluklok bilang Senate president kapalit ni Senator Vicente Sotto III noong Mayo 11.
Ayon sa ulat, may ilang senador umanong hindi kumbinsido sa estilo ng pamumuno ni Cayetano at nagdududa kung kaya nitong pag-isahin ang Senado sa nalalabing taon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Nauna nang natanggal si Pangilinan bilang chairperson ng Senate committee on agriculture, food and agrarian reform kasunod ng pagbabago sa liderato ng Senado.
Samantala, nakumpleto ni Cayetano ang minimum na 13 boto para maging Senate president sa tulong ng suporta ni Senator Ronald dela Rosa, na muling nagpakita sa Senado matapos ang anim na buwang hindi pagpasok upang makibahagi sa botohan para sa bagong liderato.
















