-- Advertisements --

Nagkainitan ang kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla at Senador Rodante Marcoleta sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa maanomalyang flood control projects.

Kung saan bahagyang nagkaroon ng tensyon sa diskusyon ng dalawa hinggil sa usapin ng Witness Protection Program ng kagawaran.

Nagpalitan ng argumento ang naturang kalihim at senador sapagkat hindi magkatugma ang kanilang paninindigan kaugnay sa ‘requirements’ para sa aplikasyon.

Ayon kasi kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, maari namang isama ang ‘restitution’ na kondisyon para sa mga nais mapabilang sa witness protection program.

Ngunit giit naman ni Senador Marcoleta, wala umanong nakasaad sa probisyon ng batas na nagsasabing kinakailangan ito bago mapasama sa naturang programa.

Habang binigyang diin pa ng naturang senador na hindi agaran maipapatupad ang ‘requirement’ na restitution sa mga nais maging testigo sapagkat hindi aniya ito naaayon sa batas.

Iginiit nito na kasunod na mapatunayan ang ‘criminal liability’ ng isang indibidwal tsaka lamang maaring umandar ang pagproseso ng pagbabalik ng umano’y mga nakuhang pera.

Kaya’t pinayuhan niya ang naturang kalihim na huwag aniya raw baguhin ang mga hakbang sa proseso ng pag-a-apply sa witness protection program.

Buhat nito’y inihayag naman ni Justice Secretary Remulla na nirerespeto aniya ang opinyon ng naturang senador.

Kanyang pinanindigan na ang prinsipyo umanong nakaugat sa batas ukol sa pagsisilbi ng katarungan hinggil sa isyu ay makakamtan din sa pamamagitan ng ‘restitution’.

Ngunit agad naman itong kinontra ni Senador Marcoleta sa kanyang naging reaksyon sa ibinahaging pahayag o kumento ng kalihim.

Idinala na sa Department of Justice si dating Department of Public Works and Highways District Engineer Henry Alcantara.

Ito’y para sa ebalwasyon ng aplikasyon at sinumpaang salaysay ni Alcantara para mapasailalim sa Witness Protection Program kaugnay sa mga nalalaman sa maanomalyang flood control projects.