-- Advertisements --

Dumipensa si Senator Imee Marcos na wala siyang niyuyurakan matapos niyang irekomenda sa mga kongresista na palitan si House Speaker Martin Romualdez sa halip na isulong ang pag-impeach kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang pulong balitaan ngayong Huwebes, Agosto 7, sinabi ni Sen. Imee na suhestyon lamang ito at hindi niya ito ipinipilit.

Ipinaliwanag din ng Senadora na nasabi niya ang kaniyang naging suhestiyon sa mga kongresista dahil sa pagpunterya sa kahit sino aniya na kaya nilang iimpeach at iginiit na mas maigi aniyang huwag nang pakialaman pa ang mga iniluklok ng taumbayan

Matatandaan, una ng inirekomenda ni Sen. Marcos ang pagpalit sa kasalukuyang Speaker ng Kamara de Representantes kasabay ng kaniyang pagboto ng pabor para i-archive ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado nitong araw ng Miyerkules, Agosto 6.

Ilang House leaders naman ang pumuna sa naging suhestiyon ng Senadora.

Kabilang na dito si House Deputy Speaker David Suarez na sinabing walang sinumang Senador ang may karapatan na diktahan kung sino ang mamumuno sa Mababang Kapulungan.

Nakadepende lamang aniya ang naturang desisyon sa mga halal na miyembro ng kapulungan.

Sinabi din ng kongresista na kumilos si House Speaker Romualdez nang naayon sa konstitusyon nang pangunahan niya ang pag-transmit ng articles of impeachment laban kay VP Sara upang matiyak ang accountability o pananagutan.