Iginiit ni Senator Erwin Tulfo, ang tumatayong Senate Blue Ribbon Committee Chair matapos ang reorganisasyon sa Senado, na hindi lehitimo ang isinagawang committee hearing noong Hunyo 4.
Sa kaniyang opening statement, sinabi ng senador na walang awtorisasyon ang pagdinig mula sa kinikilalang chairman ng komite o mula sa opisina ng Acting Senate President.
Isinagawa rin aniya ang committee hearing ng labas sa Senate rules at ng mga proseso ng institusyon.
Muling pinabulaanan din ng senador ang alegasyon sa kaniya ng tinawag niyang 18 “maleta boys” na nakatanggap siya ng kickback mula sa maanomaliyang flood control projects.
Ayon sa senador, walang naipresentang dokumento ang mga ito o anumang konkretong patunay kundi puro salita lamang.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Sen. Erwin Tulfo na tungkulin ng Senate Blue Ribbon Committee na tiyaking ang bawat alegasyon ay nakabatay sa ebidensiya at mapagkakatiwalaang testimoniya.
Samantala, nag-alay din ng ilang sandaling katahimikan ang Senate Blue Ribbon Committe matapos tumama ang malakas na 7.8 na lindol sa Mindanao nitong umaga ng Lunes, Hunyo 8.
















