-- Advertisements --

Hindi umano natatakot at nababahala si Sen. Ronald ”Bato” Dela Rosa sa kabila ng impormasyong mayroon nang warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.

Ito ay ayon kay Atty. Martin Delgra III, isa sa mga abogadong nakausap ng senador.

Sa isang panayam, sinabi ng abogado na hindi natatakot ang dating Philippine National Police (PNP) chief, ngunit nag-aalala lamang siya sa naturang isyu.

Bumuwelta rin si Delgra sa naging pahayag kamakailan ni Prosecutor General Richard Fadullon na mistulang paghimok sa senador na boluntaryong magsurender sa international tribunal.

Paliwanag ng abogado, kung mayroon mang isusurender na isang Pilipino salig sa bisa ng isang foreign warrant o request ng isang bansa, kailangang dadaan muna ito sa extradition proceeding.

Hindi aniya kailangan ng voluntary surrender at sa halip ay kailangang masunod ang tamang proseso, tulad ng extradition.

Kailangan din aniyang mabigyan ng pagkakataon si Dela Rosa na sagutin ang petisyon para sa extradition at ang korte ang nararapat na tumukoy sa validity ng warrant of arrest at hindi ang Department of Justice (DOJ).

Maalalang dalawang plenary meetings nang hindi namamataan si Dela Rosa sa Senado kasunod ng pagbabalik-sesyon ng Mataas na Kapulungan mula sa halos isang buwan na Undas break.

Bago ang pagbabalik-sesyon, ibinunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mayroon nang warrant laban sa dating PNP Chief.