-- Advertisements --

Kinumpirma ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na simula ngayon, hindi na papayagang hawakan ng mga airport security personnel ang pasaporte ng mga pasahero sa pagpasok sa terminal ng paliparan.

Ayon sa NAIA, ang bagong patakaran ay bahagi ng hakbang upang maprotektahan ang mga dokumentong pagmamay ari ng mga pasahero at maiwasan ang pag-contact.

Ang pagbabago sa polisiya ay kasunod ng mga ulat ng mga pasaporteng nasira umano at hindi pinayagang makasakay sa eroplano.

Iniimbestigahan na ng Department of Transportation (DOTr) at ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang mga reklamo, kabilang ang kaso ng isang pasaherong nagsabing hindi pinasakay ng Cebu Pacific ang kanyang ama sa flight papuntang Bali, Indonesia noong Abril 15 dahil sa maliit na punit sa pasaporte.

Una nang sinabi ni DOTr Secretary Vince Dizon kahapon, Abril 30, nire-review na nila ang mga CCTV upang matukoy kung may pananagutan ba ang nasabing airline.

Ayon sa NAIA, ang insidente ay naganap sa airline check-in counter sa Terminal 3 at hindi sangkot ang mga security personnel ng paliparan.

Dagdag pa ng NAIA, nakikipag-ugnayan na sila sa mga airline partner, DOTr, at Bureau of Immigration (BI) upang paigtingin ang mga proseso at matiyak na hindi na mauulit ang mga ganitong insidente.