ILOILO CITY – Nahaharap ngayon sa patong patong na kaso ang provincial guard na nang-rape umano ng masahista sa loob mismo ng Iloilo Provincial Capitol.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay provincial administrator Atty. Suzette Mamon, sinabi nito na sinampahan na rin ng kasong administratibo si provincial guard 2 Rowen Ledesma, 35, matapos ginahasa umano ang masahista na si alyas Jane, 35.

Ayon kay Atty. Mamon, hindi nila palalampasin ang ginawa ni Ledesma kung saan nangyari umano ang panghahalay sa loob ng opisina ni Iloilo 5th District Board Member Nielo “Bongbong” Tupas sa ika-anim na palapag ng kapitolyo kung saan nakunan pa ito ng closed circuit television (CCTV) nang pumasok at lumabas ng opisina kasama ang masahista

Pinirmahan na rin ni Iloilo Governor Arthur Defensor Sr. ang Executive Order No. 184 na nag-uutos sa pagsagawa ng fact-finding committee para sa malalimang imbestigasyon sa umano’y rape scandal.

Napag-alaman na nauna nang sinampahan ng masahista ng kasong rape ang nasabing provincial guard.