-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Iminungkahi ng isang ekonomista na kailangang buwisan ng malaking halaga ang mga mayayaman at maimpluwensyang tao sa bansa upang makatulong na mabawasan ang utang ng Pilipinas.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo, ipinaliwanag ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation na ito ang isa sa mga nakikita nilang hakbang upang mabawasan pa-unti-unti ang utang ng bansa matapos na lomobo ito sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Lubos aniya silang nababahala dahil sa posibilidad na pasanin ng mga ordinaryong mamamayan ang kinakaharap na hamon ng Pilipinas upang hindi bumagsak ang gobyerno.

Dagdag paliwanag pa ni Africa na kung hindi ito maagapan ay maaaring mauwi sa krisis sa panananalapi at kung mangyari man ito ay mababawasan ang serbisyo na para sa tao pagdating sa kalusugan, imprastraktura at maraming iba pa.

Mistulang nasa kumunoy aniya ni Africa ang bansa dahil sa hindi makaahon sa limpak-limpak na utang ng pamahalaan.

Nabatid na nitong Mayo 2025, nasa P7.2 trillion pesos ang inutang ng kasalukuyang administrasyon na halos ¾ ng siyam na trilyong piso na inutang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kabuuan ng kaniyang anim na taong paninilbihan sa bansa.