LEGAZPI CITY – Bagsak sa kulungan ang isang security guard ng Sorsogon Provincial Hospital sa Brgy. Macabog sa naturang lungsod matapos na ireklamo ng isang grupo sa pananakit.

Batay sa ulat ng ilang kabataan sa pulisya ng Sorsogon City, makikigamit lang sana ang mga ito ng electrical outlet sa pagamutan nang sitahin ng sekyu na kinilalang si Alen Padua Magdaong, 27.

Pinagbawalan umano ni Magdaong ang grupo na dahilan upang makipagsagutan rin ang mga ito.

Sa gitna ng argumento, nilapitan ni Magdaong ang 18-anyos na estudyante na si Angelo Surbano at sinuntok sa mukha.

Nag-init naman ang mga kasama nito sa nasaksihan kaya’t pinagtulungang bugbugin ang guwardiya.
Dahil dito, sinasabing bumunot ng baril at nagpaputok ng isang beses si Magdaong habang humingi rin ng tulong sa kapulisan ang grupo.

Sa pagdating ng mga pulis, narecover mula sa guwardiya ang isang caliber .38 revolver na laman ang anim na bala.

Napag-alamang nasa ilalim naman ng impluwensiya ng alak ang suspek nang mangyari ang insidente.

Sa kabilang dako, nananatiling walang suplay ng kuryente sa maraming lugar sa Sorsogon at Albay na pinakamatinding sinalanta ng bagyong Tisoy.