-- Advertisements --

Tutol si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. sa panukalang ihiwalay ang Mindanao mula sa nalalabing bahagi ng Pilipinas.

Una na kasing pinalutang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang ideya ng ihiwalay at maging independent ang Mindanao mula sa Pilipinas na nauna na ring isinusulong ng mga pulitiko sa katimugang parte ng bansa.

Subalit agad nilinaw ni Duterte na hindi ito rebelyon o pag-aaklas laban sa pamahalaan kundi susundin aniya ang isang United Nation process kung saan mangangalap ng mga lagda ng mga mamamayan sa Mindanao na nagpapahayag ng kanilang pagsang-ayon para sa paghihiwalay sa Mindanao.

Samantala, ikinatwiran pa ni Galvez na ang naturang panawagan para sa paghihiwalay ng Mindanao ay layunin lamang na ma-destabilize ang ating minamahal na bansa.

Taliwas din aniya ito sa mga prinsipiyo ng ating bansa na nakikinabang at tinatamasa bunga ng komprehensibong peace process na tinuldukan ang ilang dekadang armed conflict sa Mindanao.

Sinabi din ng peace adviser na iwinaksi na ng Mindanao ang dating imahe nito bilang isang lupain ng karahasan at armed struggle at ngayon ay naging isa ng simbolo ng pag-asa, pagkakaisa at ehemplo na makakamtan ang magagandang bagay para sa mga pinili ang landas ng kapayapaan.

Kayat dapat na matuto na aniya tayo mula sa ating nakaraan at i-apply ito sa lahat ng aspeto ng ating buhay bilang peace-loving citizens.

Nanawagan din si Sec. Galvez na piliin ang kapayapaan at manatiling nagkakaisa dahil ito lamang ang tanging daan pasulong bilang iisang mamamayan at iisang nasyon.

Matatandaan na nagsilbi noon si Galvez bilang AFP chief, Covid-19 vaccine czar, chief implementer ng National Task Force (NTF) Against Covid-19, presidential peace adviser at commanding general of the Western Mindanao Command kung saan mahalaga ang kaniyang naging papel sa pagwawakas ng 5 buwang Marawi siege noong 2017 sa ilalim ng Duterte administration