Ipinagtanggol ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na ibalik ang binawas na pondo sa kanilang tanggapan para sa 2026 budget.
Mula kasi sa P624.48 billion ay ibinaba ito ng mataas na kapulungan ng kongreso sa P570.48 billion.
Ayon kay Dizon, hindi nila hinihiling ang pag-reinstate ng mga partikular na proyekto tulad ng flood control o mga tulay, kundi ang P45 billion upang matiyak ang tamang pagpapatupad ng mga proyekto.
Ani Dizon na ang mga pagbawas ay batay sa bagong Construction Materials Price Data (CMPD) na nagbigay-daan sa pagbaba ng presyo ng mga materyales para sa mga proyekto ng ahensya.
Ngunit binigyang-diin niya na ang mga pagbabawas na ito sa presyo ay hindi upang ibalik ang mga dating mataas na presyo, kundi upang umayon sa bagong cost standards.
Bagama’t aminado si Dizon na naapektohan ang tiwala ng publiko sa DPWH dahil sa mga nakaraang isyu ng korapsyon sa flood control projects ay kanya itong tiniyak na hindi mangyayari sa kanyang pangangalaga.
Ngunit nangangamba si Senador Kiko Pangilinan hinggil sa posibleng overpricing, lalo na’t dati nang napagkasunduan ang pagbawas sa mga “taba” sa proyekto.
Pagtitiyak ng kalihim na bababa ang presyo ng mga proyekto sa 2026, ngunit tanong niya kung sino ba dapat umano ang magpapatupad nito, kung ang Kongreso, Senado, o ang executive branch ba?
Dagdag pa ni Dizon na naiintindihan niya ang mga pagdududa ng mga mambabatas kung kaya’t ipinasa niya ang department order na nagmamandato sa mga opisyal ng kagawaran na sundin ang mga tamang pagpe-presyo upang maiwasan ang korapsyon.
Kinontra naman ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagiging maaasahan ng mga district engineering offices at iginiit ang pangangailangan ng mas mahigpit na pagtutok sa proyekto upang maiwasan ang overpricing.
Sa kabilang banda tinanong naman ni Negros Occidental 3rd district Representative Javier Benitez si Dizon kung tiyak bang maiiwasan ang mga korupsyon sa darating na mga taon sa ilalim ng kasalukuyang mga ipinasang mga reporma.
Sagot ni Dizon, hindi magiging madali ang pag-aalis ng mga problema sa korupsyon at mangangailangan pa aniya ito ng tuloy-tuloy na reporma.
Samantala, tinanong din ni Cagayan de Oro 2nd District Representative Rufus Rodriguez si Dizon hinggil sa plano ng gobyerno sa mga proyekto para sa flood control sa 2026, kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang pondong nakalaan para dito ay ire-realign sa mga prayoridad na sektor.
Ayon kay Dizon, malinaw ang direktiba ng Pangulo na walang flood control projects na bibigyan ng pondo para sa 2026 budget.















