-- Advertisements --

Hindi muna hinihikayat ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III na magbakasyon sa Pilipinas ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa United Kingdom.

Ayon sa kalihim, mas makakabuti kung hintayin na lamang ng mga ito na gumanda ang panahon kaysa masayang lamang ang kanilang bakasyon dahil sa 14-days quarantine.

Ginawa ni Bello ang naturang suhestyon kay Pangulong Rodrigo Dutrerte sa ginanap na Cabinet meeting noong Sabado upang talakayin ang bagong variant ng coronavirus na natagpuan sa UK.

Sinabi pa nito na may total restrictions sa mga galing UK ngunit hindi kasama rito ang mga Pilipino na uuwi ng bansa.

Hindi raw kasi pumayag si Pangulong Duterte na hindi pauwiin ang mga OFWs para makasama ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ang mga Pinoy na dumating sa Pilipinas mula United Kingdom bago ang Pasko ay inatasan na sumailalim sa 14-days quarantine bilang isa sa mga hakbang ng gobyerno sa paghahanda sa nasabing bagong variant ng coronavirus.

Dinala sa Athlete’s Village sa New Clark City, Tarlac ang mga balikbayan mula UK na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong nakaraang linggo para isailalim sa 14-days quarantine.

Noong Disyembre 24 ay sinimulang ipatupad ng gobyerno ang travel ban sa lahat ng flights na manggagaling sa UK at magtatagal ito hanggang sa Disyembre 31, 2020.

Subalit noong Sabado ay inaprubahan ng presidente ang pagpapalawig pa sa naturang travel ban mula UK kung saan kasama na rin dito ang mga indibidwal na nag-transit sa nasabing bansa sa nakalipas na dalawang linggo.