Lumilipat na sa social media at messaging apps ang mga scammer sa Pilipinas, ayon sa anti-fraud app na Whoscall.
Sa kanilang ulat para sa ikalawang quarter ng 2025, tumaas ng 28% ang mga naiulat na kahina-hinalang link, mula 13,602 sa unang quarter patungo sa 18,735 ang nabibiktima.
Karamihan sa mga ito ay ikinakalat sa Facebook, Viber, at Telegram, kung saan pinapadala ang mga link patungo sa mapaminsalang websites.
Sumipa ng 76% ang mga scam na may kaugnayan sa online gambling, habang 57% ang itinaas ng mga scam na nag-aalok ng rewards at promos. Tumaas din ng 20% ang mga link tungkol sa mga pekeng pautang.
Ayon naman sa developer ng Whoscall ang pagtaas ng social media scams ay epekto ng matagumpay na pagbawas sa text at call based scams.
Mula kasi sa 1.28 milyon noong nakaraang taon, bumaba sa 65,035 ang mga naiulat na text scam. Ganoon din sa scam calls na bumagsak ng 74%.
Babala naman ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), malaking hamon ngayon ang pagsugpo sa mga panlolokong naka-embed sa mga apps na madalas gamitin ng mga Pilipino.