Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng ilang vloggers na sumusuporta kay dating Pangulong Duterte tungkol sa kalayaan sa pagpapahayag.
Ang petisyon ay isinampa nina Ernesto Abines at iba pang vloggers na tagasuporta ni Duterte, na dati ring inimbitahan sa pagdinig sa Kamara.
Ayon sa mga vlogger, layon lamang ng isinagawang pagdinig na sila ay patahimikin at kontrolin ang kanilang pagpapahayag sa kanilang mga social media .
Batay sa desisyon ng Korte Suprema na isinulat ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier, iginiit nito na walang naging paglabag na ginawa ang mababang kapulungan ng kongreso nang ipatawag sila bilang resource persons sa pagdinig tungkol sa fake news at online harassment.
Ipinunto ng SC na ito ay bahagi ng kanilang tungkulin bilang mga mambabatas.
Sinabi naman ni Senior Associate Justice Marvic Leonen sa hiwalay na opinyon na tapos na ang isinagawang padgdinig kaya wala nang saysay ang kaso ngunit binigyang diin na mahalagang tutukan ang usapin hingggil sa maling impormasyon na kumakalat online.
















