Hinirang ng Supreme Court (SC) si retired Associate Justice Francis Jardeleza upang magsilbing amicus curiae o friend of the court sa gagawing oral argument sa Martes sa Pebrero 2, kaugnay sa kontrobersiyal na batas na Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020.
Si Jardeleza ay una nang nagretiro noong taong 2019.
Bilang kakampi ng korte, magbibigay ng kanyang legal opinion o pananaw si Jardeleza sa legalidad ng anti-terrorism law.
Batay sa Rules of Court, ang korte ay maaaring mag-imbita ng mga abogado upang makatulong sa pagresolba sa mga isssue.
Sa naging en banc order din ng Supreme Court, hindi naman binigyan nito ng aksiyon ang kahilingan ng dating Marcos administration solicitor general na si Atty. Estelito Mendoza na mag-appear din bilang friend of the court.
Dapat sana ay noon pang Enero 19, 2021 ang oral argument pero ipinagpaliban ito ng kataas-taasang hukuman dahil sa hiling ng Office of the Solicitor General bunsod na ilang staff nila ang nagpositibo sa COVID-19.
Kabilang sa pagdedebatehan sa legalidad ay ang mga petisyon na kumukwestyon sa pagkulong sa suspected terrorist ng hanggang 24 na araw na walang warrant of arrest.