-- Advertisements --

VIGAN CITY – Tiniyak ng Department of Health (DOH) na sapat ang suplay ng bakuna sa bansa laban sa sakit na polio.

Ito ay kasabay ng nakatakdang paglulunsad ng DOH ng outbreak vaccination program laban sa nasabing sakit matapos na manumbalik ito sa kabila ng 19 na taong pagiging “polio-free” ng Pilipinas.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Health Undersecretary spokesman Eric Domingo na ipinangako ng World Health Organization (WHO) na sapat ang kakailanganing bakuna at mga gamit para mabigyan ang lahat ng mga batang kailangang mabakunahan.

Kaugnay nito, makikipagpulong umano ang DOH sa mga opisyal ng WHO sa bansa upang isapinal ang eksaktong dami ng bakunang kakailanganin para sa isasagawang mass vaccination.

Nauna nang sinabi ng tagapagsalita ng ahensya na target nilang mabakunahan ang nasa 5.5 milyon ng mga batang limang taong gulang pababa laban sa polio.