Maari pa rin madaanan ang San Juanico Bridge kahit sumasailalim ito ngayon sa retrofitting.
Ito ang kinumpirma ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manny Bonoan.
Ayon kay Bonoan, batay sa kanilang naging assessment kanilang napagdesisyunan na payagan pa rin madaanan ng mga light vehicles na may bigat na hanggang tatlong tonelada ang tulay.
Sinabi ni Bonoan panahon na para isa-ayos o magkaroon ng major rehabilitation ang San Juanico bridge dahil may 50 taon na ito.
Siniguro ng Kalihim na kanilang bibilisan ang pagkukumpuni sa nabubulok na segments ng tulay nang sa gayon maari na nilang taasan ang load limit hanggang sa 10 tonelada ngayong taon.
Batay kasi sa isinagawang preliminary assessment ng DPWH sa San Juanico Bridge, may nakitaan na itong pagka bulok sa approach structures partikular sa ibabang bahagi ng tulay.
Dahilan na agad isinara pansamantala ang San Juanico Bridge.
Gayunpaman sinabi ni Bonoan, intact pa rin ang main structure ng tulay kaya pinayagan pa rin nila makadaan ang mga light vehicles.
Sa ngayon isinasagawa na ang kaukulang retrofitting sa mga segments na nakitaan ng pagka bulok.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DPWH sa mga Local Government Units, Philippine National Police (PNP) at Philippine Ports Authority (PPA) para tumulong sa pagkontrol ng trapiko sa nasabing lugar.