-- Advertisements --

Posibleng umabot sa sa P300 hanggang P500 million ang kakailanganing pondo para sa emergency repair ng San Juanico Bridge sa Eastern Visayas, batay sa paunang pagtataya ng Office of Civil Defense (OCD).

Sinabi ni OCD Administrator Usec. Ariel Nepomuceno na pinag-aaralan ng pamahalaan kung maaaring gamitin ang Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) fund, dahil wala pang alokasyon mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Napag-alaman sa huling assessment ng DPWH na may suliranin sa structural integrity ng tulay, dahilan upang ipagbawal muna ang mga sasakyang higit sa tatlong tonelada ang bigat.

Pinayuhan din ang mga motorista na dumaan lamang sa centerline ng tulay, isa-isa ang pagdaan, at sundin ang mga traffic advisory sa lugar.

Bilang alternatibo, ang mga mabibigat na sasakyan ay maaaring gumamit ng RORO ports tulad ng sa Tacloban, Calbayog, Ormoc, Maasin, Naval, at iba pa.

Nasa blue alert status ngayon ang OCD – Eastern Visayas at Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) bilang paghahanda sa posibleng paglala ng sitwasyon. Nirekomenda na rin ng Samar PDRRMC ang State of Emergency sa probinsya.

Simula Mayo 18, ngayong Linggo bawal na rin ang mga pedestrian na tuma-tawid sa tulay. Sa halip, sila ay sasakay sa mga coaster o magagaan na sasakyan bilang bahagi ng pag-iingat sa kanilang kaligtasan.

Mababatid na ang San Juanico Bridge, na itinayo noong 1969 at natapos noong 1973, ay ang ikatlong pinakamahabang tulay sa bansa, na nag-uugnay sa mga isla ng Samar at Leyte.