-- Advertisements --

Naniniwala si House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda na dapat pakatutukan ng gobyerno ang lahat ng pagsisikap para mapababa ang presyo ng bigas.

Ito ang naging reaksiyon ni Salceda sa pagbagal ng inflation rate sa 3.9 percent nuong buwan ng Disyembre.

Ayon kay Salceda pareho umano ito ng kanyang projection na nasa 2 to 4 percent target range ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa pagtatapos ng taong 2023.

Dagdag pa ng ekonomistang mambabatas na bumilis aniya sa 19.6 percent ang pagtaas ng presyo ng bigas habang ang ibang commodity prices ay kontrolado na.

Inihalimbawa ng kongresista ang 12.2 percent na inflation rate sa mga prutas na maiuugnay sa “seasonal consumption” sa kasagsagan ng Pasko, habang ang corn inflation ay “negative” at 0.2 percent lang ang inflation sa karne.

Iginiit din ni Salceda na tumataas na naman ang presyo ng bigas sa world market kaya kailangang tumutok ang gobyerno sa iba’t ibang import sources at pagpapalakas sa local harvest.

Kabilang sa mga dapat ikonsidera ay ang Myanmar kung saan maaari umanong makipagnegosasyon na i-exempt ang Pilipinas sa rice export ban.

Ikinalugod naman nito ang tariff rates na ipinataw ni Pangulong Bongbong Marcos para sa non-ASEAN rice imports sa 35 percent mula sa dating 50 percent.

Dagdag pa ni Salceda, isa sa diplomatic solutions ang pag-apela sa multilateral institutions tulad ng Asian Development Bank upang magkaloob ng financing assistance sa rice-producing countries upang maibsan ang political at economic pressure na naglilimita sa exports.