Inirekominda ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda na taasan ng lima hanggang anim na porsiyento ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Ito ay mas mababa kumpara sa 10 hanggang 11 percent increase na isinusulong naman ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Sinabi ni Salceda sa teleconference hearing ng House Defeat COVID-19 Committee kamakailan na mismong ang Department of Finance (DOF) na ang nagsasabi na inaasahan nilang bababa ngayong taon pa lamang ang revenue collections ng pamahalaan bagkus karamihan sa mga negosyo ay nagsara bunsod ng 45-day enhanced community quarantine sa buong Luzon dahil sa COVID-19 pandemic.
Tutol naman si House Deputy Speaker for Finance Lray Villafuerte sa rekomendasyon ni Salceda sapagkat maari naman aniyang umutang lamang ang bansa para mapunuan ang mga inaasahang mawawalang kita mula sa mga koleksyon.
“We are in good fiscal position. We can borrow money. We are bankable. I think we can stick to that budget bused on a repriotization,” giit ni Villafuerte.
Magugunita na bago pa man nagkaroon ng COVID-19 outbreak sa bansa, noong Disyembre ng nakaraang taon ay inendorso ng DBCC ang P4.6-trillion proposed national budget.
Mas mataas ito ng P500 billion kumpara sa 2019 national budget na P4.1 trillion.