-- Advertisements --

Iginiit ng Malacañang na pagbabago sa klasipikasyon ng pasuweldo sa mga nurse at ng iba pang medical frontliners ang nakikitang paraan para ganap na maitaas ang pasahod sa kanila.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, dapat idaan sa Salary Standardization Law ang lahat para maitaas ang salary grade ng mga nagta-trabaho sa pampublikong pagamutan na mga medical frontliners sa bansa.

Ginawa ni Sec. Roque ang pahayag sa harap ng pag-aaral ng isang information aggregator na nagsasabing malayo ang kinikita ng isang Filipino registered nurse kung ikukumpara sa mga nurses sa iba pang bansa sa Southeast Asian region gaya ng Malaysia, Thailand, Singapore, Vietnam at Indonesia.

Ayon kay Sec. Roque, nagbigay na ang pamahalaan para sa mga frontliners ng dagdag hazard allowance, libreng life insurance at iba pa ngayong panahon ng pandemya sa pamamagitan ng Bayanihan II.

Pero kung hindi pa rin umano sasapat ang nabanggit na mga hakbang para maiangat ang tinatanggap na take home pay ng mga health workers, ang pinakamagandang solusyon dito ay mabago talaga ang SSL para sa mas mataas na salary grade.

“Hindi ko po alam kung totoo iyang report na iyan ‘no pero ang ginawa na po natin sa pamamagitan ng Bayanihan II ay binigyan natin ng karagdagang hazard allowance ang mga frontliners natin. Binigyan din natin sila ng libreng board and binigyan po natin silang ng libreng life insurance at mayroon din po silang mga libreng tests ‘no. So sa tingin ko, maganda naman po iyong package na binibigay natin ngayon sa ating mga frontliners. Gayunpaman, kung iyan po ay mababa pa sa ating mga karatig na bansa, pagdating po sa mga nurses sa gobyerno ang solusyon po diyan ay siguro bago iyong classification—o baguhin iyong classification ng nurses sa government Standardization Law ‘no, Salary Standardization Law nang mailagay ang mga frontliners natin sa mas mataas na salary grade ‘no,” ani Sec. Roque.