-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nasayang ang sako-sakong bigas at iba pang relief goods na ipamimigay sana sa mga residente ng Barangay Sagurong, San Miguel Island sa Tabaco City.

Ito’y matapos na lumubog ang bangkang pinaglululanan nito habang nasa gitna ng karagatan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kapitan Saeed Amhed Tanggo ng Barangay Rawis, nakatanggap sila ng tawag mula sa mga sakay ng bangka na nagngangalang Romeo Bien Barra at Sammy Bien Barra na nagpapasaklolo.

Nabutas daw kasi ang sasakyan nang bumangga sa malaking kahoy na inaanod sa dagat.

Kaagad namang nagpadala ang kapitan ng apat na bangka na nag-rescue sa dalawa at nagtangkang maisalba ang mga relief goods.

Subalit huli na dahil basa na ng tubig at lumubog na sa dagat ang nasa 30 sako ng bigas, mga asukal, bihon at iba pang mga ayuda na ipamimigay sana sa mga residente.

Ayon kay Kapitan Saeed, tanging ang mga nakabalot sa sachet na kape, gatas, instant noodles at mga de lata na lamang ang narekober at nadala sa baybayin.

Nabatid na mula ang mga relief goods sa Maynila na donasyon ni Senador “Kiko” Pangilinan at ipapadala sa mga barangay na labis na naapektuhan ng nagdaang bagyo sa Albay.

Nangako naman si Senador Pangilinan na muling magpapadala ng 30 sako ng bigas sa mga residente.