CENTRAL MINDANAO- Nakapagtala na ng nasa 10,627 internally displaced individuals o mga bakwit ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa Pikit, North Cotabato na naipit sa naglalabang armadong grupo sa Barangay Talitay at Rajamudah mula pa noong Hunyo 13, 2020.
Ayon sa ilang mga residente, bagama’t I-prenesenta na ni Kumander Buto Sanday ang kaniyang sarili kay 602nd Brigade Commander,B/General Roberto Capulong upang magkaroon ng kapayapaan at pagkakaisa ang naglalabang grupo ay may ilan pa din silang naririnig na putukan partikular sa Barangay Inug-ug.
Ito ang dahilan kung bakit hanggang sa ngayon ay takot pa din ang ilan sa mga bakwit na umuwi sa kani-kanilang mga tahanan.
Ikinalulungkot din ng mga ito ang napabalitaang may ilang mga tahanan ang sinunog at ninakawan ng mga naglalabang grupo na isa rin sa mga dahilan na wala na silang mauuwian.
Nagpahayag naman ang lokal na pamahalaan ng Pikit na tutulungan ang mga pamilyang labis na naapektuhan nang kaguluhan kung saan nagpapatuloy ang ginagawang validation sa mga bakwit ng MSWDO at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Nakatakda namang makipagpulong ang LGU-Pikit sa Coordinating Committee on the Cessation Hostilities (CCCH) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), militar at Philippine National Police (PNP) upang maayos na ang gulo sa bayan at tuluyan nang makauwi ang libu-libong mga bakwit.
Nananawagan naman ang ilan sa mga bakwit ng karagdagang tulong dahil sa kulang umano ang ayudang natatanggap nila mula sa LGU-Pikit.
















