Sinampahan na ng kasong murder ang isang miyembro ng PNP Special Action Force (SAF) na bumaril patay sa isang lalake sa isang bar sa Taguig City.

Kinilala ang suspek na si PMSgt. Robert Ron Fernandez,naka assigned sa PNP SAF 83rd company.

Kasong murder ang kinakaharap ngayon ng suspek bukod pa sa kasong administratibo na posibleng ikasibak nito sa serbisyo.

Noong Linggo, nalasing ang pulis at nakipag-away sa isang customer sa bar sa Barangay Tuktukan, Taguig City.

Kumuha ito ng M16 rifle at pinagbabaril ang biktimang si Erwin Arcilla Roseman na idineklarang dead on arrival sa ospital.

Nadismaya naman si PNP Chief PGEN Oscar Albayalde sa insidente.

Tiniyak naman ni Albayalde na mabibigyan ng hustisya ang kamatayan ng biktima.

Sinabi ni Albayalde na bagamat kokonti na lamang ang mga ganitong pasaway na pulis,ito aniya ang nakakasira ng kanilang reputasyon.

“Ito ang sinasabi namin na ito ang nakakasira sa aming hanay kahit sabihin natin na mangilan ngilan lang ito, ito yung mga pulis na nakakasira sa amin reputasyon sa aming hanay. Nawawala ang respeto ng community because of them napapahiya ang buong kapulisan, hindi sila,” wika ni PNP chief Albayalde.