-- Advertisements --

Nagsalita na si Rufa Mae Quinto hinggil sa ulat ng pagpanaw ng kanyang dating asawang si Trevor Magallanes.

Sa isang post sa Instagram, ibinahagi ng komedyante at aktres ang ilang larawan nila ni Trevor, kalakip ang isang emosyonal na pahayag.

“I’m deeply saddened by this development… Just pray for us that we will get thru this by the help of God,” ani Rufa Mae, na humiling ng panahon upang magluksa lalo na para sa kanilang anak na si Athena.

Ayon kay Rufa, sila mismo at ang pamilya ni Trevor ay patuloy pa ring kumakalap ng kumpirmadong impormasyon tungkol sa insidente.

Hiniling din niya na huwag magpakalat ng maling balita o haka-haka ukol sa pagkamatay ni Trevor.

Sinabi rin niyang lilipad silang mag-ina patungong Estados Unidos ngayong araw ng Biyernes, Hulyo 31. Aniya, tanging siya o ang kanilang pamilya lamang ang maaaring maglabas ng opisyal na pahayag.

“Hanggang sa huli. Hanggang sa muli. Mahal kita, Trev,” pagdadalamhati ni Rufa.

Matatandaang ikinasal sina Rufa Mae at Trevor noong 2016 at biniyayaan ng anak na si Athena noong sumunod na taon. Nitong mga nakaraang buwan, inamin ni Rufa na tapos na ang kanilang relasyon, ngunit nanatili silang kasal.

Screenshot from @rufamaequinto / IG