-- Advertisements --

Sa isang emosyonal na vlog, nilinaw ni Rufa Mae Quinto ang mga espekulasyon sa pagkamatay ng kanyang asawa na si Trevor Magallanes, at sinabing ito ay dulot ng natural causes o “sudden death,” batay sa autopsy.

“Walang foul play, walang suicide. Sudden death po ang sabi sa autopsy,” ani Rufa Mae. Dagdag pa niya, layunin ng kanyang paglalantad na mabigyan ng katahimikan ang kaluluwa ng kanyang asawa, pati na rin siya at ang kanilang anak na si Athena.

Ayon sa aktres-komedyante, bagama’t masakit at mahirap pa rin ang pinagdadaanan, patuloy siyang nagpapakatatag para sa kanilang anak at nilalaaan ang oras sa trabaho upang makayanan ang pagdadalamhati.

Nilinaw rin niya ang mga isyung kumakalat na siya ay nakikinabang umano sa pera ng yumaong asawa. “Wala akong nakuha kahit magkano. Marami pang kailangang proseso. Kaya kong buhayin ang sarili ko at ang anak ko,” giit niya.

Ibinahagi rin ni Rufa Mae ang muling pagkakaayos nila ni Trevor matapos ang kanilang hiwalayan noong 2024. Sa pagtatapos ng vlog, sinabi niyang maayos ang ugnayan nila ngayon ng pamilya ng asawa, at makikitang kasama pa niya sa video ang kapatid ni Trevor.

Magugunitang isinapubliko ang pagkamatay ni Trevor noong Hulyo, 2025.