Tinutulan ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque nitong Linggo ang kahilingan ng Pilipinas para sa isang Interpol Red Notice laban sa kanya, tinawag ng dating opisyal na paglabag aniya ito sa international regulation at ang panggigipit sa kanya ay bunga ng aniya’y mga politically motivated na kaso.
Sa isang pahayag, mariing tinanggihan ni Roque ang hiling na Red Notice, at iginiit na siya ay isang protektadong bona fide asylum seeker sa ilalim ng batas ng Netherlands at ng European Union.
Ayon sa kanya, may opisyal siyang dokumento mula sa Dutch Immigration and Naturalisation Service na nagpapatunay sa kanyang protektadong status.
Nanindigan pa si Atty. Roque na ang kasong syndicated trafficking laban sa kanya ay peke at bahagi ng tinawag niyang paghihiganti ng administrasyong Marcos laban sa mga alyado ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, ginagamit ang reklamo upang “wasakin at patahimikin” siya bilang isang kritiko ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Binanggit din ni Roque na ang kahilingan ng gobyerno para sa Interpol Red Notice ay isang paglabag sa legal framework ng Interpol, partikular na ang Article 2 ng Interpol Constitution na naglalatag ng mga obligasyon ng organisasyon sa karapatang pantao, at ang Article 3 na nagbabawal sa mga kasong “pang-politika.”
“Ang jurisprudence ng Interpol ay malinaw na nagbabawal ng Red Notices laban sa mga kalaban sa politika at mga asylum seekers,” ani Roque.
Dagdag pa niya, nagsumite na siya ng pormal na pagtutol sa Commission for the Control of Interpol’s Files, ang ahensiyang may tungkuling mag-review ng mga kahilingan para sa Red Notice, at hiniling na huwag aprubahan ang kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas.
















