Pinabulaanan ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque ngayong Sabado, Setyembre 27, ang kumakalat na “fake news” na nakalaya na si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa ICC detention facility sa The Hague Netherlands.
Ayon kay Roque, wala pang desisyon kaugnay sa hiling na interim release para sa dating pangulo.
“Marami rin pong kumalakat na fake news ha napalaya na raw si tatay Digong, wala pa pong ganyang desisyon. Lahat po ng desisyon ay pina-publish po ‘yan sa webpage ng ICC,” giit ni Roque sa kanyang Facebook post.
Binigyang-diin din ni Atty. Joel Butuyan, isang ICC-accredited lawyer, na walang katotohanan ang kumakalat na impormasyon ukol sa umano’y pag-apruba ng interim release ni Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo, iginiit ni Butuyan na sinadya ng kampo ng Duterte supporters na lituhin ang publiko sa pamamagitan ng maling impormasyon.
Una na ring humiling ang Duterte Bloc sa Senado ng interim release para kay Duterte, kasunod ng umano’y “welfare check” sa dating pangulo habang nakadetine sa ICC sa The Hague, Netherlands.
Nanawagan si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado na isama sa agenda ang Proposed Senate Resolution No. 18, na naglalayong isulong ang interim release ng dating pangulo mula sa ICC, lalo na’t papalapit na ang kapaskuhan.
Layunin ng resolusyon na tindigan ng Senado at suportahan ang panawagan na mailagay na lamang sa house arrest si Duterte.