Pinagtawanan lang ni Vice President Leni Robredo ang mga opisyal na tutol sa panawagang i-appoint siya bilang pinuno ng Inter-Agency Task Force na kumikilos sa sitwasyon ng COVID-19 pandemic sa bansa.

“Huwag po kayong matakot kasi hindi ako nag-a-apply. [laughs] Nakakatawa lang kasi nahahalata kung sino iyong natatakot, eh,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

Binigyang diin ng bise presidente na hindi niya kailangan ng iba pang posisyon para lang kumilos at tumulong.

Pero sakaling bigyan uli siya ng administrasyon ng pagkakataon ay handa naman daw siyang gampanan ang ano mang tungkulin.

“Nakita naman sa trabaho natin mula Day One na dati nga, hindi pa tayo ina-appoint sa Cabinet marami na tayong ginagawa. Hindi ako nag-a-apply, hindi ko kailangan ng posisyon para may magawa, pero ako, hindi ako umuurong.”

“Kapag binigyan ako ng trabaho kahit mahirap iyon, kahit hindi ko hinihingi, parati kong pagbubutihin. Kaya noong nilagay ako sa Housing ganoon iyong nangyari. Tinanggal ako. Kahit tinanggal na ako, in-assign ako sa ICAD, sige pagbubutihin ko.”

Nitong Biyernes nang hamunin ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang pamahalaan na italaga si Robredo bilang IATF chairperson.

Pero sagot ni Presidential spokesperson Harry Roque, hindi na kailangan ni Robredo ng panibagong posisyon kung talagang tapat ito sa pagbibigay tulong.

Ayon naman kay Sen. Bong Go, magsilbi na sanang aral kay Robredo ang sinapit niya bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs noong nakaraang taon na inabot lang ng higit dalawang linggo.

Kamakailan nang suspendehin ang Balik Probinsya program na ipinanukala ng senador, para bigyang daan ang pagpapauwi sa mga local stranded indviduals.