MANILA – Hinimok ni Vice President Leni Robredo ang mga kapwa opisyal ng pamahalaan na tutukan na lang ang COVID-19 vaccine supply, imbis na magsisihan sa naunsyaming deal sa American pharmaceutical company na Pfizer.

Magugunitang umugong ang issue na hindi matutuloy ang pagdating sana ng 10-milyong doses ng Pfizer vaccine sa Enero dahil bigo raw ang isang opisyal na aksyunan ang kasunduan.

“Ayaw kong manisi ng kahit sino, kasi hindi ko naman alam iyong buong kuwento… pero para sa akin, Ka Ely, kailangan tutukan na. Kailangan tutukan na,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

Nag-ugat ang issue nang maglabas ng sama ng loob si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr., na siyang pinatulan naman ni Sen. Panfilo Lacson.

Itinuro ng mambabatas si Health Sec. Francisco Duque III na siyang nagkamali umano sa pag-aksyon, pero nilinaw ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez na hindi totoo ang impormasyon.

Ani Robredo, kung mayroon mang tunay na issue, ito ay kung paano masisiguro ng pamahalaan na ligtas at epektibo ang mga bakunang dadalhin sa bansa.

Kabi-kabila kasi ang ulat tungkol sa ilang bakuna na hanggang ngayon ay kulang pa raw ng datos.

“Halimbawa si Dr. Leachon, iyong dating miyembro ng IATF, nagsasabi na iyong Sinovac hindi pa tapos iyong kaniyang, parang, third phase ng testing, so siyempre may concerns about the safety and efficacy, tapos lalo pa kasi iyong kumpanya parang nagkaroon ng corruption controversy.”

“Dapat mag-exert ng effort para i-allay iyong fears ng mga tao. Mag-exert ng effort na i-assure iyong mga tao na ano na ito, padating na. Kasi iba-iba, Ka Ely.”

Umapela rin ang bise presidente sa concerned officials na plantsahin ang mga impormasyong ibababa sa publiko para hindi ulit magdulot ng kalituhan.

Partikular na sa usapin ng mga bakunang darating at magiging gastos sa pagpapaturok.

“While iyong government nagsasabi na March padating na, mayroon namang nagsasabi na parang malayo pa tayo sa listahan. So maraming information, Ka Ely, iyong dumadating. Pero gaya ng lagi kong sinasabi: Sana mag-usap-usap muna sila, para iyong boses ng gobyerno isa lang.”

“Parang 3,000-plus yata iyong Sinovac. Ang mas mahal lang sa kaniya nang kaunti iyong Moderna. Pero iyong Pfizer sana, parang mga 2,000-plus? Mayroon pa, Ka Ely, iyong Astra, parang ito medyo mura, parang 600-plus yata ito.”

Una nang lumagda ng kasunduan ang pamahalaan sa private sector para sa 2.6-million doses ng AstraZeneca vaccines sa susunod na taon.

Nilinaw naman ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na matutuloy pa rin ang pagdating ng Pfizer vaccines sa bansa, pero mauurong lang ng ibang petsa sa 2021.