Muling naglatag ng mga rekomendasyon si Vice President Leni Robredo para sa maging batayan ng responde ng pamahalaan sa krisis na epekto ng COVID-19.
Hindi ito ang unang beses na nagbigay ng suhestyon ang pangalawang pangulo. Kung maalala, sa kanyang bersyon ng SONA ay ilang mungkahi rin ang ipiniresenta niya sa pamahalaan. Nagpadala rin ng sulat si VP Leni sa Malacanang at Department of Education kamakailan na naglalaman ng rekomendasyon sa COVID-19 response at pagbabalik eskwela.
Ang panibagong ulat sa bayan ni Robredo, sumentro sa kahalagahan nang pagbabalik at pagpapanatili ng kumpisyansa ng publiko sa gitna ng pandemya. Ito raw kasi ang magsisilbing tulay para maging matatag ang mamamayan at makabangon ang ekonomiya.
Ayon sa pangalawang pangulo, nasa kamay ng gobyerno ang pamumuno para mapaunlad ang estado kahit may hinaharap na krisis.
“Walang ibang kayang mag-abot ng salbabida sa ekonomiya ngayon kundi ang gobyerno; gobyerno lang ang may pondo at makinarya para magparating ng sapat at ibayong saklolo. Hindi sapat ang mga probisyong nakatala at perang inilaan sa Bayanihan 2. Government must spend more, spend efficiently, and spend quickly, with the utmost sense of urgency, as if our economic survival depends on it—because it does. And yet, heto tayo, nakasandal pa rin sa isang pre-COVID budget.”
Binalikan rin ng bise presidente ang kanyang rekomendasyon para sa mas epektibong pangangalap ng datos, contact tracing, ayuda at hanap buhay sa mga mahihirap, magsasaka nawalan ng trabaho, umuwing OFW at maliliit na negosyo.
Ayon kay Robredo, kung talagang seryoso ang gobyerno sa pagtulong sa maliliit na negosyo ay bubuo ito ng mekanismo para magpatuloy ang pagdaloy ng ekonomiya.
“Kumpiyansa ang nagpapagulong ng ekonomiya. At ang totoo, kahit pa ba noong bago mag-pandemya, hindi rin maabot ng ekonomiya natin ang potensyal nito, dahil sa kakulangan ng kumpiyansa. Bagsak na ang foreign direct investments bago pa dumating ang COVID. Bumabagal din noon pa man ang paglago ng exports. Laging kapos ang paglago ng ekonomiya sa mga target na gobyerno na mismo ang nagtatakda.”
Binatikos ng pangalawang pangulo ang mga lumutang na issue kamakailan na aniya’y nagpapalabo sa kumpiyansa ng publiko. Tulad ng sinasabing overpriced na PPEs at umano’y katiwalian sa PhilHealth. Hindi rin pinalampas ng bise presidente ang pag-kontra ng pamahalaan sa kritisismo ng ilan sa ginagawang COVID-19 response.
“Hindi mahirap unawain ang sentimyento ng marami: Na para bang walang timon, walang direksyon, walang malinaw na horizon kung kailan at paano masosolusyonan ang pandemya. Na para bang aabutan lang tayo ng kaunting ayuda, tapos bahala ka na, magkulong ka na lang sa bahay at mabuhay nang nangangamba. Na sa atin pa ang sisi kapag may nahawa o namatay—tayo pa ang pasaway. Na parang wala na tayong maaasahan sa mga pinuno—o para ba mismong wala nang namumuno. Na para bang iniwan na lang tayo para intindihin ang isa’t isa.”
“Hindi pagbabatikos ang pagbitbit ng mga sentimyentong ito: This is our reality. Karapatan at tungkulin natin to expect and demand more from our leaders. Pero nitong nakaraang limang buwan, lalong luminaw ito—na tayo-tayo na rin nga lang ang iintindi sa isa’t isa. Ito mismo ang nagbibigay ng pag-asa sa akin sa mga panahong ganito: Walang dadaig sa Pilipino pagdating sa pag-intindi sa kapwa Pilipino.”
Sa huli, binigyang diin ni Robredo ang pagkakaisa para matagumpay na malampasan ng estado ang krisis ng pandemya. Sa paraang ito rin daw tiyak na maaabot ng bansa ang parehong tagumpay na nakamtan ng ilang estado.
“At kung walang mamumuno, tayo mismo ang hahakbang, tayo mismo ang magtutulungan, tayo mismo ang bibitbit sa isa’t isa. Tayo mismo ang haharap, tayo mismo ang mangunguna, gagampanan natin ang anumang tungkulin para daigin ang anumang pagsubok, sa ngalan ng ating kapwa. Tayo mismo ang tititig sa mukha ng krisis na ito at buong-tapang na ihahayag: Maaari mo kaming mapaluhod, pero hindi kailanman mapipigilan ang paulit-ulit at taas-noo naming pagtindig. Pilipino kami. Mas malakas kami sa anumang pagsubok.”