Hinimok ni Senate Committee on Migrant Workers Chairman Senador Raffy Tulfo ang mga overseas Filipino workers (OFW) sa Israel at Iran na lumikas na at lisanin ang mga kritikal na lugar upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Ang paghikayat ng senador sa mga OFW ay matapos itaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa alert level 3 ang dalawang bansa dahil sa tumitinding tensyon.
Bagama’t ang alert level na ito ay hindi pa nangangahulugang puwersahang paglikas at voluntary repatriation pa lamang, mas makabubuti aniyang lumisan na ang mga OFW patungo sa mas ligtas na lugar o magpa-repatriate na para sa kanilang kapakanan at kaligtasan.
Dagdag ni Tulfo, nakahanda ang buong pwersa ng pamahalaan upang tumulong sa ating mga kababayan pabalik ng bansa at makapagsimula muli.
Gayunpaman, panalangin nito ang kaligtasan ng mga OFW at maging ng mga opisyal na tumutulong sa mga Pilipinong nasa Israel at Iran.