-- Advertisements --

Hindi rin ikinatuwa ni Vice President Leni Robredo ang paggawad ni Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon sa convicted murderer na si US Marine Joseph Scott Pemberton.

“Ang tanong nga natin: Patas at makatarungan ba ang naging desisyong ito?,” ani Robredo sa isang statement.

Hindi umano makatwiran na sa gitna ng dinaranas din na kalbaryo ng libo-libong preso sa bansa ay mabilis na nakamit ni Pemberton ang paglaya. Marahil daw ay may naglakad ng kaso ng sundalo sa Palasyo kaya nabigyang-pansin ito ng pangulo.

“Libo-libo ang nakakulong pa rin dahil walang pambayad sa abugado. Hindi malitis-litis ang kanilang mga kaso. May mga pamilya silang nagugutom, nagkakasakit, at naghihirap. Pemberton had lawyers, special detention facilities, a quick, public trial, and an appeal.”

Kumbinsido tuloy ang pangalawang pangulo na may pinapanigan ang pamahalaan pagdating sa pagbibigay hustisya.

“Isa lang ang kasong ito sa maraming patunay ng pagkiling sa makapangyarihan na nakikita natin mula sa pamahalaan. Napakaraming mga Pilipino na mas magaan ang sala, ngunit hindi nabibigyang-pansin o nabibigyan ng ganitong uri ng pribilehiyo.”

“Ang nakikita natin: Kapag mahirap, may parusa; kapag mayaman at nasa poder, malaya.”

Umaasa si Robredo na gagamitin ng pangulo ng patas at mas kapaki-pakinabang sa publiko ang kanyang kapangyirahan habang siya ay nakaupo pa sa pwesto.

Sinentensyahan sa kasong murder si Pemberton matapos ang karumal-dumal na pagpatay nito sa transgender woman na si Jennifer Laude noong 2014.

Bukod kay VP Leni, ilang human rights at LGBTQIA+ groups din ang nagpaabot ng pagka-dismaya sa desisyon ng presidente. — with reports from Bombo Reymund Tinaza