Naghain ng pormal na Comment/Opposition ang kampo ni Vice President Sara Duterte laban sa motion for reconsideration (MR) ng Kamara de Representantes hinggil sa desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara na “unconstitutional” ang inihaing impeachment complaint laban sa bise presidente.
Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ni Duterte, inihain ang kanilang komento nitong Lunes ng hapon.
Kinukumpirma anila na naghain na ito ng komento laban sa mosyon ng Kamara sa Korte Suprema.
Gayunman, nilinaw ni Poa na hindi muna sila magbibigay ng detalye hinggil sa dokumentong inihain.
Bilang paggalang sa sub judice rule at sa proseso ng hudikatura, hindi muna aniya sila magbibigay ng panayam o karagdagang pahayag sa ngayon.
Samantala, kasabay ng pagtalakay ng Korte Suprema sa kaso matapos isumite ang mosyon ng Kamara at ngayon ang komento ng kampo ni Duterte, nagpasya na rin ang Senado na i-archive ang impeachment case laban sa bise presidente.
Ang naturang pasya ay pagbabago sa orihinal na panukala ni Sen. Rodante Marcoleta na tuluyang ibasura ang kaso matapos ang naging desisyon ng Korte Suprema. (report by Bombo Jai)