Bukas si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa posibilidad na maging bahagi ng isang independent body na magsasagawa ng imbestigasyon sa mga flood control project sa buong bansa.
Ayon kay Magalong, handa siyang mag-volunteer na maging bahagi ng independent body basta’t ipaubaya sa kaniya ang pagpili ng mga imbestigador na magiging bahagi ng naturang lupon.
Hiniling din ng alkalde na kung sakali ay payagan din siyang personal na mamili sa mga ahenisya na magiging kasama sa lupon.
Ito ay upang masigurong credible ang imbestigasyon at ‘reputable’ ang mga lead agency na magsasagawa ng pagsisiyasat.
Sa kabuuan ng pagsisiyasat, maaari umano niyang gamitin ang mga karanasan bilang dating heneral at imbestigador ng Pambansang Pulisya.
Una nang ipinanukala ni presidential son, Rep. Sandro Marcos, na isang independent body ang magsasagawa ng imbestigasyon at hindi ang mismong mababang kapulungan, dahil kasama sa mga isinasangkot sa anomalya sa mga flood control project ay ang mga kongresista na tumatayo din umano bilang contractor o may connection sa mga construction firms.
Naniniwala naman si Magalong, na walang sapat na kakayahan ang Kamara o ang Regional Project Monitoring Office ng DPWH para imbestigahan ang napakaraming flood control projects sa bansa.
Aniya, dapat ay ibang entity o lupon ang pumasok na mag-imbestiga at hindi yaong kayang dikatahan o impluwensiyahan ng mga mambabatas atbpang posibleng may kaugnayan sa mga maanomalyang flood control infrastructure.
Tiniyak ng alkalde na bagaman magiging malaking hamon ang pagkuha ng ebidensya para mapatunayan ang umano’y sabwatan sa likod ng maanomalyang flood control projects, may paraan para tumubukin ang lahat ng connection ng naturang anomalya.