-- Advertisements --

Nagsimula na umanong mangibang-bakod ang mga operator ng online gambling sa encrypted messaging at e-commerce applications matapos ipatanggal ang link sa e-wallet services.

Ayon kay Senate committee on games and amusement chairman Senator Erwin Tulfo, bagamat tumalima ang e-wallet companies sa utos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pagtanggal ng gambling links mula sa kanilang mga aplikasyon simula noong Agosto 14, doble-kayod umano ang mga operator para lumipat sa ibang platforms gaya ng Viber, Telegram, Lazada at iba pang mobile applications.

Binanggit ng Senador ang kaso ng isa sa pinaka-popular na online gambling sa buong mundo (BingoPlus), na naglabas ng advisory na mananatiling accessible ang kanilang mga laro sa pamamagitan ng encrypted messaging simula noong Agosto 16 habang nananatili pa rin aniyang madali ang pagdeposito at pagwithdraw sa pamamagitan ng e-wallets.

Maliban dito, ibinibenta din aniya ang gaming vouchers bilang regular items sa e-commerce platforms, na maaaring mabili sa pamamagitan ng e-wallets, debit at credit cards at kalaunan ay ico-convert bilang gaming credits.

Kaugnay nito, hinimok ng mambabatas ang online gambling operators na makipagtulungan dahil hindi aniya sila kaaway kundi kakampi upang masigurong ang susunod na henerasyon ng mga Pilipino ay hindi maging adik sa sugal.

Ginawa ng Senador ang pahayag sa gitna ng mga pagdinig ng Senate games and amusement panel hinggil sa online gambling measures.