Kinalampag ni Vice President Leni Robredo ang pamahalaan na magsagawa ng malalimang pag-aaral sa mga hakbang na makakatulong upang hindi na maulit pa ang pagpaslang sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait.

Iginiit ni Robredo na “dapat siguraduhin na hindi na mangyayari sa susunod” ang kapalaran na sinapit ng OFW na si Jeanalyn Villavende, na umano’y pinatay ng kanyang sariling amo sa Kuwait.

Kasunod ng insidenteng ito ay inanunsyo kamakailan ni Labor Sec. Silvestre Bello III ang pagpapatupad ng partial deployment ban sa Kuwait.

Tinukoy naman ni Robredo na noong 2018, nagpatupad na ang pamahalaan ng Pilipinas ng deployment ban sa Kuwait kasunod naman ng pagkakapaslang sa Pinay domestic worker na si Joana Demafelis.

Subalit sa kabila aniya nito, patuloy pa ring may napapaslang na Pilipinong manggagawa sa Kuwait.