Nakatakdang magpulong muli ang Inter-Agency Task Force laban sa Coronavirus Disease (COVID-19) para talakayin ang ipinapatupad na travel ban sa mga flights mula at papuntang Taiwan.
Pahayag ito ni Health Sec. Francisco Duque III matapos sabihin ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) chair Angelito Banayon na nakatakdang kanselahin ng Taiwan ang visa-free privileges ng mga Pilipino bilang ganti sa pagsama sa kanila sa ipinapatupad na travel ban dahil sa kinakatakutan na COVID-19.
Bukod kasi sa China, Hong Kong at Macau, napasama ang Taiwan sa travel ban dahil sa one-China policy ng Pilipinas.
Ayon kay Duque, sa oras na matukoy ng Inter-Agency Task Force na hidi naman mataas ang rate nang paglobo ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Taiwan ay posible na nilang bawiin ang travel ban na ipinapatupad dito.
Bukod kasi sa naging banta ng gobyerno ng Taiwan, sinabi ni Duque na issue na rin ito ng maraming overseas Filipino workers (OFWs) na hindi makabiyahe.
Sa ngayon, inirekominda na rin ni Executive Sec. Salvador Medialdea na magsumite ang MECO ng protocol na ipinapatupad ng Taiwan partikular na sa kung paano dumaraan sa screening ang mga biyaherong galing sa mainland China.
Sa gaganaping risk assessment, tatalakayin din ayon kay Duque ang posibilidad na mapasama ang Singapore umiiral na travel ban.
Binigyan diin ng kalihim na kaligtasan at proteksyon ng publiko ang pangunahing pinangangalagaan ng pamahalaan sa gitna ng aniya’y global disruptions na kaakibat ng COVID-19.