LAOAG CITY – Hinding-hindi magsasawa ang isang rider group na magbigay ng tulong sa mga residente na apektado ng Taal Volcano eruption sa Batangas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Mr. Albert Llobrera, namumuno sa Manila Red Wolf Club, nakapagbigay na sila ng relief pack noong Linggo at magpapatuloy sa ganitong gawain.

Sinabi niya na handa rin magbigay ng tulong ang mga kagrupo nila sa Novaliches sa darating na Linggo, at nangangalap pa ng iba pang tutulong.

Pinayuhan naman niya ang mga ibang grupo na magtutungo sa lugar na nakamotorsiklo na magsuot ng full-face helmet at N95 mask.

Dinamihan ng naturang rider group ang pangunahing kailangan ng mga residente kagaya ng tubig, damit, mga “ready to eat” na pagkain at face mask.

-- Advertisement --

Samantala, handa na rin ang Ylocandia Biyaheroes Rider Club at mga grupo sa Ilocos Norte na ibigay ang mga relief packs sa mga residente sa Batangas.