Nakalusot sa mas mahaba at mabigat na pagkakakulong ang kotrobersiyal na si retired Maj. Gen. Carlos F. Garcia, na dating comptroller ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ay makaraang ma-convict siya sa mas magaan na kaso ng Sandiganbayan na may kinalaman sa kasong direct bribery na may pagkakakulong ng apat hanggang walong taon.
Ito ay sa halip na kasong plunder na may pagkakakulong ng 20 hanggang 40 taon.
Sa desisyon na ibinaba ng Sandiganbayan na pag-convict kay Garcia sa direct bribery ay meron ding multa na P406,300,162 o tatlong beses sa kabuuang mga regalo na kanyang natanggap bilang bahagi na rin ng pinasok na plea bargaining agreement sa korte.
Sa isyu naman sa pagmaniobra sa money laundering ay pinagbabayad naman siya ng korte ng multa ng P1.5 million dahil sa paglabag sa batas sa Anti-Money Laundering Act.
Una rito, ang naging desisyon ng Sandiganbayan ay basi sa plea bargaining agreement ni Garcia na pinasok sa Office of the Special Prosecutor (OSP) ng Office of the Ombudsman (OMB) noong taong 2010.
Batay sa batas ang plea bargaining ay isang uri ng negosasyon sa pagitan ng prosekusyon at depensa sa isang criminal case kung saan ang akusado ay pumayag na aminin ang mas mababang kaso kapalit ng mas mababang hatol.
Kung maalala si Gen. Garcia ay una nang kinasuhan ng plunder at money laundering at pakikipagsabwatan sa ilang personalidad para umano magkamal ng pera, lupa at iba pang personal properties na umaabot sa halagang mahigit sa P303.2 million.
Ang mga kaso naman laban sa mga co-accused ni Gen Garcia at mga kaanak na sina Clarita D. Garcia, Ian Carl D. Garcia, Juan Paulo D. Garcia, Timothy Mark D. Garcia ay iniutos ng korte na ilagay muna sa archive habang nakabinbin pa ang pag-aresto o voluntary surrender.
Ang walong pahinang desisyon ng Sandiganbayan Second Division laban kay Garcia ay sinulat ng chairperson na si Justice Oscar Herrera Jr. na sinang-ayunan din naman nina Associate Justices Michael Frederick Musngi at Arthur Malabaguio.