-- Advertisements --

Plano ni retired Police General Jonnel Estomo na magsampa ng reklamo laban sa whistleblower na si Julie Patidongan alyas Totoy na nagdadawit sa kaniya sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Sa isang statement, sinabi ni Estomo na inihahanda na ng kaniyang mga abogado ang kaukulang kaso laban kay Patidongan kaugnay sa aniya’y malisyoso at walang batayang mga paratang laban sa kaniya.

Naniniwala din si Estomo na mananaig ang katotohanan.

Nauna na ngang itinanggi ni Estomo ang pagkakasangkot niya sa pagkawala ng mga sabungero matapos na pangalanan siya ni alyas Totoy kasama ang 17 iba pang pulis na dawit umano sa kaso.

Ayon kay Estomo, magprepresenta siya ng ebidensiya para linisin ang kaniyang pangalan dahil wala umanong sapat na patunay sa paguugnay ng kaniyang pangalan sa kaso.

Sa kaniyang paghahain ng complaint-affidavit sa headquarters ng National Police Commission (Napolcom) noong Lunes, dito unang ibinunyag ni Patidongan na si Estomo ay miyembro ng tinatawag na Alpha group o mga malalapit sa negosyanteng si Atong Ang, na inakusahan naman ni alyas Totoy na utak umano ng pagdukot sa mga sabungero.

Isiniwalat din ni alyas Totoy na si Estomo ang siyang nagrekomenda kay Ang na patayin siya matapos siyang kumalas bilang close aide ni Ang.