-- Advertisements --

Binatikos ni House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe ang Pulse Asia Survey dahil sa hindi parehas na mga tanong na sinasabing dahilan kaya maraming mga Filipino ang tumutol na gawin ngayon ang pagbabago sa Saligang Batas.

Naniniwala si Dalipe na bahagi umano ng paninira sa kredibilidad ng mga nagsusulong sa pag-amyenda ng restrictive economic provisions ng 1987 Constitution ang resulta ng survey.

Ayon kay Dalipe, mas makabubuti na ang mga Filipino ang magpasya kaugnay sa pagbabago ng konstitusyon sa pamamagitan ng plebisito sa halip na ibase ito sa resulta ng survey.

Ang reaksyon ni Dalipe ay kaugnay sa inilabas na resulta ng Pulse Asia Survey na nagsasabing 74 na porsiyento ng mga Filipino ang hindi sang-ayon na isagawa sa ngayon ang pag-amyenda sa 1987 Consitution.

Duda rin si Dalipe sa integridad at intensyon ng survey, lalo’t kasama dito ang mga katanungan na hindi naman tinalakay sa Kongreso.

Kinondena rin ni Dalipe ang pagsisingit ng mga hindi mahahalagang tanong, tulad ng term extension sa lahat ng mga halal na opisyal ng gobyerno, pagbabago ng sistema ng pamahalaan mula presidential tungo sa parliamentary system, paglipat mula bicameral tungo sa unicameral legislature, gayundin ang pagpapahintulot sa mga dayuhan na abusuhin ang likas na yaman ng bansa.

Ang resulta ng survey ay inilabas, ilang araw matapos na pagtibayin ng Mababang Kapulungan ang Resolution of Both Houses No. 7 (RBH 7), na layuning amyendahan ang ilang probisyong pang-ekonomiya ng konstitusyon. Ang RBH 7 ay una na ring naipadala sa Senado, na may kaparehong resolusyon o ang RBH 6 na tinatalakay sa subcommittee level.

Dismayado si Dalipe sa tila pagtatangka ng survey na hadlangan ang proseso ng reporma ng Saligang Batas.

Binigyan diin pa ng mambabatas na ang pinakamabuting paraan ng pagsukat ng opinyon ng publiko ay sa pamamagitan ng plebisito at hindi survey.