Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (PBBM) na magsasagawa ng reporma ang Bureau of Internal Revenue (BIR) upang matiyak na ang mga sangkot sa iregularidad sa mga flood control projects ay mananagot sa ilalim ng batas.
Ayon sa Pangulo, muling aayusin ng BIR ang mga prayoridad nito at tututukan ang imbestigasyon laban sa mga indibidwal o grupo na nakinabang sa katiwaliang ito.
Siniguro ng Pangulo mananagot ang lahat ng sangkot sa mga iregularidad at walang sinuman ang dapat maging ligtas sa pananagutan.
Dagdag pa ng Pangulo, patuloy na ipaglalaban ng pamahalaan ang katarungan at patas na sistema ng pagbubuwis.
Tiniyak din ng Pangulo sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) pati na rin sa mga malalaking korporasyon na matapat na nagbabayad ng buwis, na sila ay tratuhin nang makatarungan at may pantay na pagtingin.
Ipinaliwanag din ng Pangulo na ililipat ng BIR ang pokus mula sa matinding auditing ng MSMEs at malalaking korporasyon tungo sa pagsusuri ng mga kuwestiyonableng proyekto na natukoy ng pamahalaan.
Samantala, inatasan din ng Pangulo ang Department of Finance (DOF) at ang BIR na pag-aralan ang posibleng exemption ng ilang sektor ng mga taxpayer mula sa obligasyong mag-withhold at mag-remit ng creditable withholding taxes.
Kasama rin dito ang pagpapasimple at pagbaba ng tax rates upang mapagaan ang compliance ng mga nagbabayad ng buwis.
Ayon sa Pangulo, layunin nitong magbigay-ginhawa sa mga taxpayer na labis na nabibigatan sa komplikadong proseso ng pagbubuwis, nang hindi naman naaapektuhan ang kita ng gobyerno.
Kasabay nito, inihayag ng Pangulong Marcos na ang DOF at BIR ay nagsumite ng mga panukala para sa pagtaas ng tax-exempt ceilings alinsunod sa kanyang direktiba na magbigay ng tulong sa mga manggagawang higit na nangangailangan.
Bilang halimbawa, binanggit ng Pangulo na ang kasalukuyang uniform at clothing allowance na higit sa ₱7,000 bawat taon ay nasasailalim sa buwis.
Dahil tumaas na ang halaga ng mga damit, pinag-aaralan ng pamahalaan na itaas ang exemption limit sa ₱8,000 bawat taon.
Ang mga pagbabagong ito ay hindi lang tungkol sa numero, kundi tungkol sa katarungan at dignidad sa trabaho.
Bawat manggagawang Pilipino ay karapat-dapat makinabang sa pag-unlad ng bansa.










