Minamadali na umano ng gobyerno ang proseso sa mandatory repatriation ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Middle East lalo na sa Iraq.

Sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles, lahat ng indikasyon ay nagpapakitang kailangang bilisan ang proseso para mailigtas ang mga kababayan sa kapahamakan kaugnay sa tensyon sa pagitan g Estados Unidos at Iran.

-- Advertisement --

Ayon kay Sec. Nograles, kabilang sa unang hakbang ay madala sa safe haven partikular sa Dubai at Qatar ang mga OFWs at mula doon ay ililipad pauwi ng Pilipinas.

Makikipag-ugnayan umano ang gobyerno sa employers ng mga OFWs para maresolba ang problema gaya ng hinihinging P400,000 kung hindi tatapusin ang kontrata.

Tiniyak din ni Sec. Nograles na magiging prayoridad ng gobyerno ang mga mapapauwing OFWs para hanapan ng bagong trabaho sa bansa o sa abroad pero hindi na sa Middle East.

Sakali umanong humantong sa “worst-case scenario” ang tensyon sa Middle East, balak ng gobyerno na mag-charter ng isang cruise ship para mas maraming Pilipino ang mas mabilis mailikas habang opsyon din ang pag-arkila ng mga local carriers para sumundo sa mga apektadong OFWs.