-- Advertisements --

Tiniyak ni dating House Speaker at Leyte Representative Ferdinand Martin G. Romualdez ang kanyang buong pakikipagtulungan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng mga alegasyon sa proseso ng pambansang badyet.

Binigyang-diin ni Romualdez na ang katotohanan ang dapat manaig, hindi pulitika. Aniya, ang kanyang pagdalo sa pagdinig ng ICI ay patunay ng kanyang suporta sa paghahanap ng katotohanan.

“Wala akong itinatago,” giit ni Romualdez. Nilinaw niyang bagama’t hindi siya kasali sa bicameral conference committee na nagtapos ng badyet, handa siyang ibahagi ang kanyang kaalaman upang makatulong sa paglilinaw ng mga isyu.

Dagdag pa niya, ang kanyang pagdalo ay bahagi ng kanyang paninindigan sa transparency at accountability, at layunin niyang makatulong sa mabilis at patas na imbestigasyon.

Nagpasalamat din si Romualdez sa ICI sa pagbibigay ng pagkakataong makibahagi sa proseso, at tiniyak ang kanyang kahandaang sagutin ang lahat ng tanong upang mapabilis ang pagresolba sa mga usapin.