-- Advertisements --

Umapela si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste sa mga matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ilabas ang nalalamang impormasyon ukol sa iskandalong bumabalot sa flood control projects.

Kung babalikan ay ibinunyag ni Leviste ang umano’y ugnayan ng ilan sa mga matataas na opisyal ng ahensiya sa mga public contractor. Ang mga ito aniya ay malapit din kay Sec. Vince Dizon at kabilang sa bagong team na binuo ng kalihim.

Sa panayam ng Bombo Radyo, tinukoy ni Leviste si DPWH USec. Arrey Perez bilang isa sa umano’y malapit kay Dizon at posibleng may impormasyon ukol sa umano’y maanomaliyang public infrastructure project ng ahensiya.

Apela ng mambabatas sa mga ito, mas mainam na sila na mismo ang boluntaryong lumabas at magsabi ng impormasyon ukol sa posibleng nalalaman sa mga flood control scandal at sa kalakarang nangyayari sa mga itinatayong pampublikong imprastraktura at pinopondohan ng gobiyerno.

Ngayong hapon (Oct. 17) ay tuluyan nang naghain ng kaniyang irrevocable resignation si Perez, na agad ding tinanggap ni Sec. Dizon.

Nanindigan si Rep. Leviste na kailangang i-disclose ng mga matataas na opisyal ng DPWH ang lahat ng koneksiyon at anumang ugnayan nila sa kahit sinumang contractor para mabuksan sa publiko ang lahat ng mga transaksyong pinasok ng mga ito.

Paglilinaw ni Leviste, hindi siya nagsasalita upang akusahan ang mga opisyal ng DPWH na may anomalya.

Kung nakipag-ugnayan man sila aniya o nakipag-meeting sa ilang contractor at wala ring nangyaring anomalya, mainam ding malaman ng publiko ang detalye ng mga naturang pulong.